NASAAN na ang P13 BILYONG pondo ng Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) para sa ating mga overseas Filipino workers (OFW)?
Mismong si Budget Secretary Florencio Abad na ang nagpatunay na mayroong P13 BILYON ang OWWA para sa OFWs. BILYON, hindi lang milyon o daang milyon.
Pero HINDI PA NAGAGAMIT ang pera para mailikas ang mga OFWs natin sa Libya dahil kuno sa mga problema.
Ano ang problema? Bakit napakatagal resolbahin kung ano man ito? BUHAY AT KALIGTASAN ng libu-libo nating mga kababayan sa Libya ang NANGANGANIB hanggang ngayon.
At ang pinaka-importante, ano ang KATIBAYAN na nandiyan pa ang pera at HINDI PA NAGLALAHO? SINO ang may hawak?
Kahit na ipalit sa US dollar, ang P13 bilyon ay aabot pa rin ng halos $300 milyon. Pero sa kabila ng halagang ito, mga suki, ito ang Isipin ninyo:
Ilang linggo na ang igulo sa Libya pero HANGGANG NGAYON, HINDI MALINAW kung ilan sa mga nakauwi na galling Libya ang sinagot ang pamasahe ng OWWA.
PATULOY ang mga ulat na karamihan sa mga nakauwi ay mga AMO pa nila ang tumulong para makalabas ng Libya at makabalik ng Maynila.
Umabot na sa 11,867 Pilipino na ang nakalabas ng Libya hanggang noong Marso 4. Pero ang matindi, 2,554 PA LAMANG ang nakabalik na ng Pilipinas.
Hanggang ngayon din, parang mga dagang nagkalat ang mga kababayan nating lumilikas mula Libya. Mayroong nasa Crete, Tunisia, Malta at Egypt.
At ang pinaka-NAKAKADUDA, humihingi pa tayo ng tulong sa International Organization of Migration (IOM) sa Switzerland para maiuwi ang ating mga kababayan mula Libya.
Hindi ba kakasya ang $300 milyon sa lahat ng ito? Kahit hindi ako negosyante, lalaban ako ng pustahan na kahit 50 biyahe ng erpolano at barko ay kayang –kayang bayaran mula Sa $300 milyon para makauwi agad ang ating OFWs.
Pero hindi agad magawa ng OWWA. BAKIT? NASAAN ANG PERA?
Mga magigiting naming congressman at senador, ito ang dapat ninyong imbestigahan. As in SA LALONG MADALING PANAHON.
***
Mayroong isang DUWAG na kumpare siguro ni Satanas na minura ako bilang reaksiyonsa ating blog tungkol sa babala natin sa mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ng Quiapo. Mayroon kasing dalawang granadang nakita malapit sa simbahan nong Biyernes.
Sinasabi kong DUWAG dahil HINDI naman nagpakilala. Kaya’t mula ngayon, hindi na ako maglalabas ng mga reaksiyon na walang pangalan at lokasyon, lalo na’t kung ito’y pagmumura lamang.
Sa nagmurang iyon, hindi ako ang minura mo kundi ang Poong Nazareno. SIYA na ang bahala sa iyo. 30
No comments:
Post a Comment